Saturday, November 6, 2010


Magandang Buhay sa Kabila
(Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon)

Noong nakaraang Nobyembre 1 at Nobyembre 2 ipinagdiwang natin ang mahahalagang sangkap ng ating pananampalataya bilang mga Kristiyano: ang pananalig sa kasamahan ng mga banal at ang pagkabuhay na muli ng mga namatay na tao. Tinatawag tayo ng Diyos na mamuhay nang banal at bilang mga Kristiyano inaasahan natin na magkakamit tayo ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos.

Noong panahon ng Panginoong Hesus isa na rin sa pangunahing usapin ang buhay na walang hanggan. Matatandaan na sa Ebanghelyo ay may isang binata na lumapit kay Hesus at itinanong kung paano makakamit ang buhay na walang hanggan. Noong panahon din iyon may mga tao ding hindi naniniwala na muling bubuhayin ang mga patay. Kung hindi muling bubuhayin ang mga patay sa huling araw saan tayo mapupunta? Kung walang buhay na walang hanggan, ano ang tinatanaw at inaasahan natin? Hanggang sa nitso o libingan lang ba tayo? Kung hanggang dito lang tayo ano ang saysay ng mga ginagawa nating pagsisikap para maging mabuti at banal?

Ito ang pangunahing paksa ng mga pagbasa natin ngayong Linggo. Matibay ang paninindigan ng pitong magkakapatid sa unang pagbasa alang-alang sa pananalig sa Diyos. Mas gusto pa nilang mamatay kaysa itakwil ang kanilang pinaniniwalaang Diyos. Sabi nila, “Mas matamis pa sa amin ang mamatay kaysa lumabag sa mga kautusan ng aming mga ninuno.” Nasasabi nila ang ganitong mga salita dahil lubos ang pananalig nila sa buhay na walang hanggan. Hindi nila alintana ang pagdurusa dahil alam nila na ang kapalit nito ay walang katapusang ginhawa sa piling ng Diyos. Ganito ang dulot sa atin ng pananalig natin sa buhay na walang hanggan. Balewala ang sakit, kalungkutan, pagtuligsa at iba pang pagsubok dahil malinaw sa atin na kasunod ng mga ito ang walang hanggang kapayapaan at kapanatag na nagmumula sa Diyos.

Sa Mabuting Balita ipinapaliwanag naman ni Hesus na sa buhay na walang hanggan hindi na kailangan ang anumang makataong ugnayan (human relationships) dahil ganap na ang pakikipag-ugnayan sa Diyos. Lahat ng paghahangad ng tao para maging masaya at ganap ay pupunuan ng Diyos. Sa buhay na walang hanggang sapat na ang Diyos. Wala ng kailangan pang iba.

Lahat tayo may kahungkagan sa ating mga puso, at pilit natin itong pinupunan sa pamamagitan ng pera, materyal na bagay, kapangyarihan, o kaya naman ugnayan. Akala natin mapupunuan natin ito. Hindi pa rin kuntento ang tao sa kabila ng pagkakamal ng mga bagay ng mundong ito dahil ang kahungkagan sa ating puso ay Diyos lang ang makapupuno. Ang kahungkagang iyon ay kasukat ng puso ng Diyos. Puso lang ng Diyos ang kasya doon hindi pera, materyal na bagay, kapangyarihan, o kaya naman ugnayan.

Linggo-lingo ipinapahayag natin na sumasampalataya sa buhay na walang hanggan. Pero ang buhay ba natin dito sa lupa nakatuon sa buhay na walang hanggan? Ano ba ang mga pinahahalagahan natin sa buhay? Ang ating bang gawain o hanap-buhay tinutulungan tayong makarating sa buhay na walang hanggan? Ang mga ugnayan ba natin inilalapit tayo sa buhay na walang hanggan?

Nawa ang Eukaristiya na ipinagdiiwang natin Linggo-lingo ay magpaalala sa atin ng makalangit na piging na inihahanda para sa atin ng Diyos. Maganda ang inihahanda ng Diyos para sa atin. Asamin natin at paghandaan ang magandang buhay doon sa kabila.

0 comments:

Post a Comment

Blog Archive