Friday, October 8, 2010


Walang Bayad
(Ika- 28 sa Karaniwang Panahon)

Sa isang isla ay nakadestino ang isang misyonero. Gawain niya araw-araw ang magturo sa mga bata. Dahil isa rin siyang doktor natatawag din siya kapag may mahigpit na pangangailangan. Isang hapon natanggap niya ang tawag para gamutin ang kapitan ng kasunod na nayon. Matarik ang bundok na aakyatin, mga 3,000 libong talampakan. Minadali niyang iayos ang kanyang klase dahil nag-iisa lang din siyang guro. Matapos ang dalawang oras na pag-akyat sa madulas na kagubatan narating nila ang lugar ng maysakit na kapitan pero wala siya doon. Inilipat siya sa kabilang nayon, mga 30 minutong paglalakad. Pawis na pawis at uhaw-uhaw na sila. Salamat at may naghagis sa kanya ng buko. Kaugalian sa lugar na iyon na bigyan ng buko ang mga naglalakbay upang makainom. Sa kabilang nayon natagpuan nga nila ang kapitan. Nasa veranda at nagnganganga. Gabi na noon para bumalik pa ang misyonero sa kanyang lugar, kaya doon na siya nagpalipas ng gabi. Kinabukasan bumaba na siya ng bundok para makapagturo. Makalipas ang ilang nakaramdam siya ng pananakit sa kanyang bukong-bukong at dahil dito naospital siya. Naimpeksiyon siya sa mga tinik ng halaman sa gubat. Matapos ang isang linggo sa ospital nagbalik na siya sa pagtuturo. Makalipas ang ilang araw isang grupo ng mga tao mula sa nayon ng kapitan ang dumating. Gusto sana nilang alamin kung kailan niya babayaran ang buko na kanyang ininom!

Sa kabila ng hirap ng kanyang pinagdaanan, nakuha pa siya singilin sa buko na inialok sa kanya! Hindi kaya nakita ang pagsasakripisyo niya?

Sabi ni San Ignacio ng Loyola “ Ingratitude is the most abominable of sins…for it is forgetting the graces and blessings received. As such, it is the cause, beginning, and origin of all sins and misfortune.”

Pagpapasalamat ang pangunahing aral ng Mabuting Balita ngayong Linggo. Bakita kaya isa lang ang nagbalik sa Panginoon samantalang sampu silang gumaling? Sabi sa Mabuting Balita “nang mapuna ng isa na magaling na siya’y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos.” Ang pagpapasalamat ay nagsisimula sa pagpuna o pagkakita sa maraming biyaya ng Diyos. Kung ibubukas lang ng tao ang kanyang mga mata sa maraming biyaya, malilit man o malalaki, kakaunti man o marami, palaging may dahilan para magpasalamat sa Diyos. Pero kung hindi mapupuna ng tao ang mga biyaya magiging mapaghanap siya at ikukumpara ang sarili sa iba.

Kung tutuusin wala naman talagang maidaragdag ang pasasalamat natin sa kadakilaan ng Diyos. Hindi naman kailangan ng Diyos ang pasasalamat natin. Tayo ang may kailangang magpasalamat sa Diyos. Sa pagiging mapagpasalamat tayo pa rin ang nakikinabang. May nangyayari ba kasi kapag tayo nagpapasalamat? Mayroon namang nangyayari kapag nagiging mapagpasalamat tayo. Una, ang taong mapagpasalamat ay nagiging masaya. Mas nagiging magaan ang buhay ng taong mapagpasalamat. Pero ang hindi marunong magpasalamat ay nagiging reklamador at mapagkumpara ng sarili sa iba. Ikalawa, ang taong mapagpasalamat ay nagiging biyaya din sa iba. Nabibigyang inspirasyon niya ang iba na tuklasin kung gaano din sila kamahal ng Diyos. Ang mapagpasalamat ay nagiging paalala o tanda ng Diyos na mapagbigay.

Sa pagdiriwang ng Eukaristiya palagi tayong nagpapasalamat sa Diyos. Ito ang pinaka-puso ng sakramentong ito. Sana sa pagdiriwang natin huwag lang tayong humingi sa Diyos. Magpasalamat din tayo nang lubos. Tandaan natin ang lahat ay ibinibigay Niya nang walang bayad. Kung gayun may hahanapin pa ba tayo?

Ngayong Linggo ito ang ating panalangin, “Panginoon, turuan mo kaming magpasalamat.”

0 comments:

Post a Comment

Blog Archive