Friday, October 15, 2010


Today is my 5th Sacerdotal Ordination Anniversary. I thank the Lord for being so kind and patient with me. I thank Him for the people He gave me to serve. Here are some of the lessons I learned for the past five years in the ministry.






Limang Gintong Aral sa Limang Taong Paglilingkod

Ang Pagiging Pari ay Patuloy na Pag-aaral
Bilang batang bagong ordeng diyakono at pari, sabik na sabik akong ibahagi sa iba ang mga natutunan ko sa seminaryo. Damang-damang ko ang alab na makapagturo at mailapat sa buhay ng tao ang natutunan sa loob ng seminaryo sa loob ng 10 taon. Sa pagdadaan ng mga araw, buwan at taon, hindi lang pala ako magtuturo, matututo din pala ako. Ang mga taong nakakasalamuha ko at iba’t ibang karanasan ang nagsisilbing guro ko.

Ang Pagiging Pari ay Pakikipag-ugnay
Ang pagiging pari ay hindi lang pamamahala ng salapi at iba pang ari-arian ng Simbahan. Hindi ito nasusukat sa galing sa administration o management skills. Kung tutuusin madali lang pag-aralan ang mga ito sa libro o sa paaralan. Ang pagiging pari ay pakikipag-ugnay sa tao. Ito ay tungkol sa pakikipagkaibigan. Pero sa hangad na maging kaibigan ang lahat, hindi mawawala ang taong ayaw makipag-kaibigan o nagsasara ng bintana at pintuan para sa ugnayan. Ano kaya ang silbi ng naipatayong simbahan kung giba-giba naman ang ugnyan ng tao sa pamayanan.

Ang Pagiging Pari ay Pagbibigay
Ang pagiging pari ay hindi pagkakamal o pag-iipon ng maraming bagay. Totoo maraming biyaya sa pagiging pari, pero ang mga ito ay para din ibahagi sa iba. Aanhin nga ba ang maraming damit, pera, sapatos at iba pang materyal na bagay? Lahat ng biyaya ay dapat dumaloy din sa iba para maging biyaya din sa kanila. Ang pari ay parang alulod na dapat maghatid ng biyaya sa iba. Grasya at hindi dis-grasya. Pero wala naman yatang disgrasya kapag galing sa Diyos, hindi ba? Sa bandang huli hindi naman bibilangin kung gaano karami ang naipon. Bibilangin kung kaano karami ang naibahagi.

Ang Pagiging Pari ay Pag-alala
Ang pagiging pari ay Sakramento. Tanda, paalala ng pag-ibig ng Diyos. Gawain ng pari na ipaalala sa mga tao na mapagmahal ang Diyos. Dapat itong personal na maalala ng pari. Paano niya ito maipapaalala kung siya mismo hindi nakakaalala? At ang pari mismo ay dapat magsilbing tanda, sakramento- sa kanyang mga salita, gawa at paraan ng pamumuhay.

Ang Pagiging Pari ay Pag-ibig ng Diyos
Mataas pa din paggalang ng tao sa pari sa kabila ng lahat. Marami nga ang pagkakamali ng mga pari, pero nangingibabaw pa rin ang pag-ibig ng Diyos.
Hindi naman kailangang mayaman, matalino, mahusay at banal na banal para maging pari. Ang lahat ay nakadepende pa din sa Diyos. Kung tutuusin wala naman talagang karapat-dapat, pinapaging-dapat lang ng Diyos.

0 comments:

Post a Comment

Blog Archive