

Dagdagan po ninyo ang Pananalig naming sa Diyos
(Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon)
Sabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos.” Bakit kaya ganito ang hiling ng mga apostol sa Panginoon? Kakaunti kaya o mahina ang kanilang pananampalataya? Pinili, tinuruan at hinubog sila ng Panginoong mula sa karamihan. Dahil dito inaasahang mas angat sila o nakhihigit sa iba sa larangan ng pananampalataya! Matatandaan natin na ang mga piniling apostol ay mga pangakaraniwang tao din, at ang karamihan sa kanila ay mga mangingisda. May mga taglay din silang mga kahinaan at pagkukulang. Tiyak natutukso at pinanghihinaan din sila ng loob. Kaya kung tutuusin tama lamang ang kanilang hiling sa Panginoon, “ Dagdagan po ninyo ang aming pananalig.”
Ang kahilingang ito ng mga apostol ay nagpapahayag ng dalawang katotohanan ukol sa kanila. Una, pangunahin sa kanila o prioirity nila ang pananampalataya. Ano nga ba naman ang silbi o saysay ng kanilang paghayo kung sila mismo ay mahina ang pananampalataya. Hindi madali ang kanilang susuungin. Matatadaan na sinabi ni Hesus, “Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong gubat” (Lucas 10:3). Hindi madaling tungkulin ang magpalayas ng mga demonyo, magpagaling ng mga maysakit at magtungo sa iba’t ibang lugar para ikalat ang Mabuting Balita. Kaya kailangan ng mga apostol na madagdagan ang kanilang pananampalataya. Hindi ito bilang o amount ng pananampalataya kundi kalidad ng pananampalataya-lalim at lawak ng pananalig sa Diyos.
Pananampalataya din dapat ang pangunahing prioridad ng tao sa kabila ng mraming bagay na maaari natin pagkaabalahan. Oo, mahalaga ang pera, hanapbuhay, materyal na bagay, posisyon ng kapangyarihan. Pero hindi lang ang mga ito ang mahahalaga sa buhay. Oo, mahalaga ang batas, pero dapat ang batas bumubukal mula sa pananampalataya. Ang sekularismo at materyalismo ay pangunahing suliranin ngayon sa daigdig na nakakaapekto sa pananampalataya ng tao. Marami ng tao ang masyadong nagpapahalaga sa mga bagay na makamundo at nalilimutan na ang mga bagay na may kinalaman sa Diyos at sa pananampalataya! May mga tao din na sa sobrang pagbibigay halaga sa dunong ng tao ay gusto ng kontrolin o manipulahin pati ang buhay ng tao. Maraming tao na din ang nawawalan ng tinatawag nating sense of God o sense of faith. Nakakatakot ang ganitong kalagayan. Maaarin maging simula ito ng pag-guho o pagkasira ng buhay ng tao. Sana huwag mangyari sa atin ang mga ito. Kaya dapat lagi nating binabantayan ang ating mga sarili, ang ating mga pagpapahalaga o values sa buhay. Baka kasi hindi natin namamalayan ay natatangay ng tayo ng kalakaran o sistemang makamundo. Ano ang papel na ginagampanan ng Diyos at pananampalataya sa buhay natin? Ito ba ang sentro o nasa sideline lang?
Ikalawang katotohanan ay ang kakulangan ng mga apostol. Ang tawag dito sa Ingles ay self-insufficiency. Matatandaan na may pagkakataong hindi makapagpalayas ng mga demonyo ang mga alagad. Dito nila natatanto ang kanilang kaukulangan. Hindi nila kaya ang lahat kung sa ganang sarili lamang nila. Kinailangan nilang bumalik palagi kay Hesus para makapamahinga at humugot ng panibagong lakas. Totoo din ito sa ating lahat. Pangkaraniwang pakiramdam ng isang lingkod ang kanyang kakulangan o pagiging hindi karapatdapat. Normal naman ito, at ito ay palaging pagpapaalala ni Hesus na hindi naman talaga sa atin magmumula ang lakas, at mas lalong hindi naman sa atin ang mga ginagawa natin. Kanya ang lahat ng ito at tinutulungan Niya tayo. Sa ating mga kakulangan ang Diyos ang magpununo. Sabi ng Panginoon kay San Pablo, “Ang tulong ko’y sapat sa lahat ng pangangailangan mo” (2Corinto 12:9). Sa mga pagkakataong parang kulang o walang epekto o bunga ang mga ginagawa natin tandaan natin na gawain ito ni Hesus at hindi sa atin. Gawin natin ang kaya natin. Si Hesus na ang bahala sa iba. Hindi naman talaga natin kakayanin ang lahat.
Sa mga pagkakataong maginhawa ang buhay natin ang dalangin natin, ”Panginoon, dagdagan po ninyo ang pananalig namin.” Sa mga panahong nanghihina tayo o nawawalan tayo ng pag-asa sambitin natin, Panginoon, dagdagan po ninyo ang pananalig namin. Sa lahat ng panahon at pagkakataon ang dasal natin, ”Panginoon, dagdagan po ninyo ang pananalig namin.”

0 comments:
Post a Comment