Friday, August 20, 2010


Ligtas ka na ba?
(Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon)

Pangkaraniwan na sa atin ang makabalita tungkol sa pagkamatay ng tao, at iba-iba ang ating reaksiyon, depende sa pagkakilala, relasyon o kaugnayan natin sa taong namatay. Iba-iba din ang konteksto o kaya ay sanhi ng pagkamatay ng tao. May namamatay sa sakit, aksidente, katandaan o kaya naman dahil sa karahasan o pagmamalabis ng tao. Magkakaiba man ang konteksto o sanhi ng pagkamatay naitanong na ba natin, “Saan kaya mapupunta ang kanilang kaluluwa”? Ligtas kaya sila matapos na sila maalayan ng panalangin, sakripisyo at Banal na Misa?

Lutang na lutang noong panahon ng Panginoong Hesus ang usapin tungkol sa kaligtasan ng tao, kaya ang tanong sa Kanya ng taong lumapit ay “Ginoo, kakaunti lang po ba ang maliligtas”. May alingaw-ngaw pa rin ang tanong na ito sa ating panahon ngayon. Minsan magugulat na lamang tayo kapag may lumapit sa atin sa bus at nagtanong, Kapatid, ligtas ka na ba? Kabi-kabila ang mga programa sa radyo at telebisyon ng iba’t ibang sekta na nangangaral tungkol sa kaligtasan. Matatamo lamang daw ng tao kaligtasan kapag kasapi ka ng ganito o ganoong sekta at relihiyon. Kapag hindi ka nila kasapi pasensiya ka na lang doon sa dagat-dagatang apoy! Makitid na pananaw ito ukol sa kaligtasan (Soteriology, ¬o Theology of Salvation ang tawag sa pag-aaral ukol dito.

Bilang mga Katoliko paano natin hinaharap ang mahalagang usaping ito. Itinuturo sa atin ng ating pananampalataya na ang Simbahang Katoliko ay pinagaklooban ng Diyos ng lahat ng elemento/pamamaraan para sa kaligtasan. Tinataglay natin ngayon ang Salita ng Diyos, ang mga Sakramento lalo na ang Banal na Eukaristiya. Mayroon din tayong matandang pamana ng simbahan natin tungkol sa panalangin, at hindi mawawala ang debosyon sa Mahal na Ina. Ang lahat ng ito ay mahahalagang elemento para sa ating kaligtasan na ibinigay ng Diyos sa ating Simbahan.

Bagamat tayo ay mga Katoliko hindi natin sinasabing diretso na tayo sa langit o ligtas na tayo dahil tayo’y Katoliko. Hindi rin natin sinasabi na ang ibang relihiyon ay hindi maliligtas dahil hindi sila Katoliko! Hindi ganito kakitid ang ating katuruan tungkol dito.

Binyagang Katoliko man ang tao kung hindi naman siya nagsisimba, walang pagkilala sa Diyos, mapang-abuso sa kapwa, tuso, magnanakaw at mapanlinlang, hindi rin siya magkakamit ng buhay ng walang hanggan. Aktibo mang Katoliko ang isang tao kung hindi naman siya marunong magmahal sa Diyos at sa kapwa, hindi rin siya maliligtas.

Talagang makipot ang daan tungo sa kaligtasan at maluwang ang daan tungo sa kapahamakan. Kung talagang gusto nating maligtas, pagsisikapan nating mahalin at paglingkuran ang Diyos at isabuhay ang Kanyang mga aral. Hindi dahil Katoliko tayo ay agad ligtas na tayo.

Paano naman kaya ang nasa ibang relihiyon? Maliligtas din kaya sila? Kumikilos din ang Diyos sa kanilang pamayanan. Nakikibahagi din sila, bagamat hindi ganap, sa mga elemento ng katotohanan at kabanalan na ipinagkatiwala sa Simbahang Katoliko. Hindi natin sinasabing hindi sila maliligtas. Gayunpaman, pinanghahawakan natin na ang simbahang itinatag ni Kristo ay nananahan sa Simbahang Katoliko. Kahit ang mga kapwa tao natin na nandoon sa mga kabundukan na hindi pa nakakapakinig ng Salita ng Diyos ay maaari ding magtamo ng kaligtasan kung sa kanilang puso ay may dalisay silang paghahangad sa Diyos. Ganito kabukas o kalawak ang pananaw ng ating Simbahan ukol sa kaligtasan.

Dapat nating igalang ang mga kapwa tao nating nasa ibang relihiyon o pananampalataya. Sa ngalan ng relihiyon ang mga tao ay hindi nag-aaway. Sa ngalan ng Mabuting Balita ang mga tao ay hindi dapat magsiraan. Tungkulin nating ituwid ang kanilang maling pananaw tungkol sa atin kaya dapat pinag-aaralan natin ang ating pananampalataya. Higit sa lahat patunayan natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng ating pamumuhay. Ang relihiyon ay hindi pang-aakit sa pamamagitan ng matatamis na salita o pangako o kaya naman ay sa pamamagitan ng pananakot. Ang relihiyon ay pagsaksi kay Kristo sa pamamagitan ng banal at matuwid na pamumuhay.

Kapag namatay ka saan mo gustong mapunta? Maliligtas ka kaya? Pagtuunan natin ng pansin hindi kung marami o kakaunti ang maliligtas. Tingnan natin kung ang nilalakaran ba natin ngayon ay daan ng kaligtasan o kapahamakan.

1 comments:

Blog Archive