Friday, July 23, 2010

Siya Nawa
(Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon)

Marahil madami sa atin ang naranasan nang makipagtawaran, sa palengke, sa tindahan ng kung anu-ano o kahit sa trisikel driver. Ang hanap ng marami sa atin ay kung ano ang mura at saan mabibili ang mura, kaya hindi maiwasan makipag-bargain kung minsan. May mga magagaling tumawad. Kalahati agad ng presyo ang itinatawad. Kaya may mga nagbubuno at nagsasabunutan sa palengke. Barat kaya kung tumawad?

Sa Unang Pagbasa ngayong Linggo parang nakikapagtawaran o nakikipag-bargain din si Abraham sa Diyos. Talamak na sa paggawa ng kasalanan ang Sodoma. May plano ang Diyos na wasakin sila pero kung sakaling may 50 o kahit na 10 na lang na mayuwid sa kanila hindi pa rin sila lilipulin o wawasakin ng Diyos. Napakabuti talaga ng Diyos sa kabila na pagiging lilo at tuso ng tao.

Tatlong mahahalagang elemento ng negosasyon sa Diyos ang itinuturo sa atin ni Abraham ngayong Linggo. Una, ang pakiusap o kahilingan ay dapat na maging malinawa at nauunawaan. Ikalawa, ang dahilan sa paglalahad ng kahilingan ay dapat maging malinaw at napagkasunduan. Ikatlo, ang taong nakikiusap ay dapat maging matiyaga.

Ginawa lahat ito ni Abraham. Ipinakiusap niya huwag lipulin ng Diyos ang mga taga-Sodoma kahit kakaunti lamang ang nananatiling matapat at matuwid. Ito din ang dahilan kung bakit hindi dapat ituloy ng Diyos ang kanyang paglipol, dahil may mga taong nananatiling matuwid. Hindi rin nanghinawa at napagod na makiusap si Abraham sa Diyos. Naging matiyaga siya paglapit sa Diyos kahit magmukha na siyang makulit sa pkikiusap sa Diyos.

Dapat nating tularan si Abraham sa paglapit natin sa Diyos sa pananalangin. Sa paglapit natin sa Kanya dapat ilahad natin kung ano ang inilalapit natin sa kanya. Buksan natin sa Diyos ang nilalaman ng puso natin. Dapat maging malinaw sa atin kung ang hinihiling natin ay makabubuti para sa atin at sa kapwa. Sa paglapit natin sa Diyos hihilingin natin hindi ang gusto natin kundi ang nais Niya na mas maganda at mas makakabuti sa atin. Maraming beses sa puntong ito nagkakamali ang tao. Parang dinidiktahan ang Diyos kung ano ang dapat Niyang ibigay. Malinaw sa atin kung ano ang inilalapit natin sa Diyos kung alam nating ito ang makakabuti sa atin at hindi lang basta gusto natin.

Sa paglapit natin sa Diyos dapat malinaw din sa atin ang dahilan o wisdom ng ating ipinamamanhik sa Kanya. Pwede kasing mangyari na ang inilalapit natin sa kanya ay bunga ng mga mali nating pagpapahalaga at pag-iisip at hindi ayon sa itinuturo ng Diyos. Baka ang hinihingi natin sa Diyos para lang makilala tayo o kaya makaganti sa iba. Wala doon ang karunungan ng Diyos. Sa mga hinihingi natin sa Diyos dapat ang karunungan Niya ang masusunod.

Sa paglapit natin sa Diyos dapat laging matiyaga tayo. Dapat manalangin tayo nang walang patid. Minsan parang ang tagal-tagal dumating o matupad ng hinihiling natin sa Diyos. Dapat nating tandaan na iba ang panahon at pamamaraan ng Diyos kaysa sa panahon at pamamaraan natin. Kapag hindi pa natin natatanggap ang hinihiling natin sa Diyos hindi naman ibig sabihin na hindi na ito ibibigay ng Diyos. Baka hindi pa ito ang tamang panahon. Baka inihahanda pa tayo ng Diyos sa pagtanggap nito, o kaya naman may mas magandang inihahanda ang Diyos para sa atin. Kaya dapat matuto tayong maghintay nang buong tiyaga. Kapag may tiyaga may nilaga. Kapag may tiyaga sa pananalangin may biyaya.

Sa pagsamba natin sa Diyos ngayong Linggo lumapit tayo sa Kanya dala ang mga panalanging binigbikas ng ating mga labi gayundin ang mga panalanging laman ng ating mga puso. Lumapit tayo sa Kanya. Huwag tayong mag-alinlangan. Isa siyang Ama na nakakaalam lahat ng kailangan natin. Isa siyang Ama na hangad ang ating kabutihan. Mapasaatin nawa lagi ang Kanyang paghahari. Sa lahat-lahat, Siya nawa.

9 comments:

Blog Archive