Saturday, March 6, 2010






Acts of God?
(Ika-3 Linggo sa Panahon ng Kuwaresma)

Ang taong 2009 siguro ang maituturing na taon sa kasaysayan ng Pilipinas na punung-puno ng mga kalamidad. Sunud-sunod ang mga malalakas na bagyo na kumitil sa buhay ng marami, at nakasira sa kabuhayan. Hanggang ngayon marami pa din sa ating mga kababayan ang nagsisikap makaahon sa mga pagsubok na ito. Sa gitna ng mga kalamidad na ito nabuhay ang terminong “acts of God” ng mga nasa insurance company. “Acts of God” daw ang mga kalamidad na sumira sa maraming buhay at kabuhayan. Ngayon namang taong 2010 maraming bahagi ng ating bansa ang nakakaranas na ng masamang epekto ng tagtuyot. Mapalad nga tayo sa Nueva Ecija dahil hindi dinaanan ng malalakas na bagyo at hindi tayo gaanong naaapektuhan ng tagtuyot o El Nino. Maging sa ibang panig ng mundo tulad ng Haiti at Chile na nakaranas ng malalakas na lindol marami din ang nasasadlak sa kahirapan. “Acts of God” ba ang mga ito? Diyos kaya ang may gusto ng mga kalamidad na ito?

Sa Ebanghelyo natunghayan din natin ang ilang kuwento ng hindi magagandang pangyayari sa buhay: ang pagpapapatay ni Pilato sa mga Galileo habang naghahandog sa Diyos at ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe. “Acts of God” din ba ang mga ito? Nilinaw ni Hesus sa mga Pariseo na nangyari ang mga ito hindi dahil na mas makasalanan ang mga taong ito kaysa sa mga naninirahan sa Galilea at sa Jerusalem. Binigyang diin ni Hesus na dapat magsilbing tanda ang mga ito para magsisi at tumalikod sa mga kasalanan sa halip na ipagpalagay ang mga ito na tanda ng poot ng Diyos.

Sa gitna ng mga likas na kalamidad at ang mga hindi magandang pangyayari sa buhay ng tao maling isipin na ito ay dahil sa sila’y makasalanan, kaya marapat lang sa kanila na sapitin ang gayun. Ang tamang disposisyon ay matanto natin na puwedeng mangyari ito sa kahit na sinong tao, at kung hindi ito nangyari sa atin ngayon ito ay dahil sa pagmamahal at awa ng Diyos. At hindi naman din ibig sabihin na hindi naaawa at nagmamahal ang Diyos sa mga taong nakararanas ng mga hirap at pagsubok.

Ang mga pangyayari sa buhay natin, mabuti o hindi mabuti ay dapat magpaalala sa atin sa Diyos na nagbibigay sa atin ng panibagong pagkakataon. Hindi siya Diyos na may deadline para sa pagbabago. Sa kanya ang lahat ng tao ay may pag-asa pang magbago at magtuwid ng buhay. Ito ang larawan ng Diyos na ipinapakita sa atin ng tagapag-alaga ng puno ng igos, na matiyagang pinuputulan ang puno, hinuhukayan ang palibot nito at nilalagyan ng pataba. Hindi siya ang masungit at mabagsik na Diyos kinatatakutan. Siya ang Diyos na hindi nasisira ang loob at nawawalan ng pag-asa sa atin.

Tandaan natin na ang mas mahalaga ay hindi kung ano ang nangyayari sa atin kundi kung paano natin hinaharap ang mga ito. Hinaharap ba natin ang mga ito nang may pagtitiwala at pag-asa sa Diyos o nang may galit at paghihimutok sa Diyos. Kung haharapin natin ito nang positibo malaki ang pag-asa na magiging mabuting tao tayo. Pero kung haharapin nang negatibo baka katumbas nito ang pag-guho ng ating sariling mundo.

Ang “acts of God” ay pag-ibig at habag, hindi galit o poot. Hindi maatim ng Diyos na masadlak tayo sa dusa at hirap.

6 comments:

Blog Archive