Saturday, February 27, 2010


Ang Kamangha-manghang Mukha ni Hesus
(Ikalawang Linggo sa Panahon ng Kuwaresma)

Minsan may isang tao na nagmamay-ari ng isang aso na kung tawagin ay golden retriever. Natuklsan niya isang araw na kapag bumabaril siya ng pato sa sapa, agad tumatakbo ang aso papunta sa tubig para kunin sa pamamagitan ng bibig nito ang patay na pato. Kaya na naisip niya na imbitahin ang kanyang kaibigan sa pamamaril ng pato para ipasikat ang alaga niyang aso, at nang malaman niya kung mamangha ang kaibigan niya sa kanyang aso. Kinabukasan magkasama nga sila ng kaibigan niya sa pamamaril. Nakakubli sila sa halaman at hinintay ang mga pato sa sapa. Nang dumating ang mga pato agad siyang bumaril at pagkakita ng aso sa patay na pato agad itong tumakbo para kunin ang patay na hayop. Hindi nabigla ang kaibigan. Walang reaksiyon. Walang pagkamangha. Ganoon din ang nangyari sa pangalawa at pangatlong pagkakataon. Kaya napilitan siyang tanungin ang kaibigan niya, “Wala ka bang nakikitang kakaiba sa aso ko, hindi ka ba namamangha?’’ Nag-isip ang kaibigan niya at sinabi, “Wala namang kakaiba sa aso mo, e hindi nga siya marunong lumangoy!
Nasa harap na niya ang bagay na kamangha-mangha pero hindi pa rin niya nakikita. Napakapalad ng mga alagad na sina Pedro, Santiago at Juan dahil nasaksihan nila nang harapan ang kamangha-manghang pagbabagong anyo ni Hesus, “nagbago ang kanyang mukha, nagningning ang kanyang kasuotan na naging puting-puti. Mapalad ang tatlong alagad na masaksihan ang mahalagang pangyayaring ito sa buhay ni Hesus na nagpapakita ng kadakilaan na kanyang kakamtin, kaya sa sobrang galak, gayundin ng takot gusto na ni Pedro na manatili na lang sila sa lugar na iyon.
Bagamat hindi natin nakikita nang mukhaan ang Panginoong Hesus, napakaraming pagkakataon na ipinapakita niya sa atin ang kanyang magandang mukha, ang kanyang kadakilaan. Katulad ng kaibigan sa ating panimulang kuwento marami sa atin mahina ang kakayahan para mamangha sa mga bagay-bagay sa paligid natin (sense of awe; sense of wonder). Napaka-ordinaryo na para sa atin ng pagsikat at paglubog ng araw. Pangkaraniwan na sa atin ang mga ibon sa himpapawid, mga bulaklak at halaman. Mas hinahanap natin ang nagsasayaw na araw, halaman o bulaklak na may larawan umano ni Hesus? Masyado nang nakapako ang pansin ng marami sa atin sa mga bagay o pangyayari na hindi pangkaraniwan kaya hindi na natin kayang mamangha sa mga ordinaryo o pangkaraniwang bagay sa buhay natin. Pati si Hesus napapalampas tuloy sa mga pangkaraniwang tao, bagay o pangyayari na nagdaraan sa buhay natin.
Ang Panahong ito ng Kuwaresma ay nag-aanyaya sa atin na muling mamangha sa kadakilaan ni Hesus na makikita sa araw-araw nating buhay. Nakikita at nararanasan ba natin siya sa kaibigan na dumadamay, sa isang recollection na nakakaantig ng puso natin, sa mga taong nakikinig sa atin, sa mga nangangailangan nating kapatid? Kung napaka-ordinaryo na para sa atin ng mga bagay na ito, baka hindi natin namamalayan ay napapalampas na natin si Hesus na nagpapakita ng kanyang maningning at maliwanag na mukha. Baka naman kasi sa iba nakapako ang ating tingin? Napakaraming kamangha-manghang biyaya na nasa paligid natin. Makikita natin at makakamit ang mga ito kung gagamitin natin ang mata ng pananampalataya. Huwag sana nating mapalampas ang kamangha-manghang mukha ni Hesus.

0 comments:

Post a Comment

Blog Archive